Nahuli ang apat na miyembro ng New People's Army nitong Biyernes matapos na ituro ng mga sumuko nilang mga kasamahan ang kanilang kinaroroonan, pati ang kanilang mga armas sa Misamis Oriental.
Ayon sa ulat ng militar, sumuko sina alyas Juno at Yesa nitong Huwebes, Hunyo 17, at itinuro nila ang pinagtataguan ng mga sandata at mga bala ng kanilang mga kasamahan na nakaengkuwentro ng 58th Infantry “Dimalulupig” Battalion (58IB) noong Hunyo 7.
Agad itong nirespondehan ng mga tropa ng 58IB at Regional Mobile Force Battalion (RMFB10) ng Philippine National Police (PNP) na nagresulta sa pagkakahuli ng mga kasapi umano ng mga rebeldeng komunista.
Kinilala ang mga nahuling suspek na sina Marlon M. Acosta alyas Jonathan; Marnie L. Berito alyas Edward; Nelson R. Berito alyas Lorence; at Jeffrey B. Macabecha alyas Jelo.
Nabawi sa kanila ang isang AK 47 rifle, dalawang .30 cal. Carbines, at 15 rounds ng .40mm grenade launcher ammunition.
Ang mga nahuling rebelde ay kasapi umano ng Platoon Cherry Mobile, Huawei, Sub-Regional Committee 1, North Central Mindanao Regional Command.
Ayon sa mga awtoridad, nakikihalubilo ang mga suspek sa mga komunidad at pinagbabantaan umano ang mga residente, at nagbibigay ng pagkain at armas at mga bala sa armadong grupo.
Dadalhin ang mga nahuling miyembro ng NPA sa 58IB Advance Command Post sa Brgy. Umagos Lagonglong, Misamis Oriental para sa proper disposition saka gagawin ang pag-turn over sa Misamis Oriental Police Provincial Office para sa pagsampa ng mga kaso. —LBG, GMA News