Ilang patay na aso at pusa ang nakita sa barangay sa Bacolod City. Ang hinala ng ilang residente, sadyang nilason ang mga hayop.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng ilang residente na posibleng nilason ang mga hayop dahil sa ginagawang paghahalungkat sa mga basura sa isang subdibisyon sa Barangay Granada.
Mahigit limang aso at isang pusa na ang namamatay.
"Oo, nilalason ang mga hayop, 'yong mga mahal pa na aso. Kawawa naman," ayon sa isang residente.
Inaalam ngayon ng Bacolod Animal Chance and Hope o BACH Project Ph, kung sino ang nasa likod ng paglason na isang uri umano ng animal cruelty.
Inasikaso na ng CARE Philippines ang paglilibing sa mga hayop.
"We need to educate irresponsible pet owners and also educate non-animal lovers that animal cruelty is not acceptable in any ways," sabi ni CARE organizer Ai-Ai Gamboa.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang mga awtoridad tungkol sa insidente para masampahan ng reklamo ang nasa likod ng paglason sa mga hayop.
Ang mga mapapatunayan na naglason sa mga hayop ay mahaharap sa reklamong paglabag sa Animal Welfare Act.--FRJ, GMA News