Natagpuang patay sa kanilang bahay ang mag-asawa at dalawa nilang anak sa Biñan, Laguna. Hinala ng mga awtoridad, pinatay ng lalaki ang kaniyang mag-iina gamit ang martilyo.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Jolly Espinas, 41 at mga anak niyang sina Winston, 7 at Brixton, 1, na masaya pang ipinagdiwang nito lang Mayo ang una niyang kaarawan.

Matapos na gawin ang krimen, hinihinalang nagpakamatay naman sa pamamagitan ng pagbigti ang suspek na padre de pamilya ng mga biktima na si Johnny Martinez, 46.

Nakitang duguan ang bangkay ng mag-iina na nagtamo ng mga palo ng martilyo.

May nakita pang face mask sa bibig ng mga bata nang matagpuan.

Ayon sa mga kapitbahay, nadinig nila ang iyak ng bata noong Lunes ng gabi.

"Neto pong umaga, wala pong lumalabas. 'Pag may bumibili ng softdrinks, wala pong lumalabas. 'Pag kinakatok, wala rin pong sumasagot o umiiyak na bata man lang. 'Pag tingin ko po nakabukas 'yong pinto tapos pagbungad ko po, nandoon na po 'yong bata, duguan na siya," anang kapitbahay.

"Dati po siyang bus driver. Na-layoff po sa trabaho. Ang source of income na lang po nila eh 'yong pagtitinda ng mga softdrinks at sigarilyo sa kanilang kwarto. May mga usapan po dito na minsan nababalitaan nila na problema noong mag-asawa 'yong pinansiyal," sabi ni Biñan City police chief Police Lieutenant Colonel Giovani Martinez.

Nasabihan na raw ng pulisya ang mga kaanak ng mga biktima, na isasailalim din sa autopsy.

Patuloy din na aalamin ng mga awtoridad kung may ibang gumawa ng krimen.

"Para malaman po namin at mabuo po 'yong teorya kung talagang may ibang taong gumawa ng krimen na ito o 'yong padre de pamilya po talaga," ani Martinez.

--FRJ, GMA News

Para sa mga katanungan tungkol sa mental health o kailangan ng tulong, maaaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod:

NCMH Crisis Hotline - 0917-899-USAP (8727), (02) 7-989-USAP(8727);
Outpatient NCMH Section - (02) 531–9001 local 290, 0977-244-0200, 0977-244-0202, 0977-244-0215.

Through Facebook - facebook.com/ncmhcrisishotline;

Through Twitter - twitter.com/ncmhhotline;
COVID Hotline - 0949-568-2910, 0966-351-4518.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa Mental Health Program ng DOH, bisitahan ang website na https://www.doh.gov.ph/national-mental-health-program.