Boracay Island, Malay Aklan - Humiling ng exemption sa liquor ban at paghihigpit sa curfew ang grupo ng mga negosyante ng Philippine Chamber of Commerce and Industry-Boracay.
Batay sa ipinalabas na liham ng PCCI-Boracay na ipinadala kay Governor Florencio Miraflores, hiniling nito na tangalin ang liquor ban sa Boracay.
Ipinatupad ni Miraflores kamakailan ang liquor ban sa buong Aklan kasama ang isla ng Boracay dahil sa dumaraming kaso ng COVID 19 sa lalawigan ng Aklan.
Hinigpitan din nito ang curfew sa pagpapatupad nito mula alas diyes hangang alas singko ng madaling araw.
Ayon sa PCCI, para makapag enjoy ang turista sa isla dapat gawin na lamang na ala una hanggang alas singko ng madaling araw ang curfew.
Nais din ng PCCI-Boracay na isailalim sa RT PCR test ang lahat ng papasok sa Boracay kasama na ang mga residente ng Malay at ibat ibang bayan sa Aklan. — DVM, GMA News