Arestado ang isang babae na shoplifter umano matapos na mahuli na itinago niya sa damit ang ilang tinda na binalak niyang tangayin mula sa isang cafe sa La Trinidad, Benguet.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing nakatakas ang apat niya pang kasamahan.
Kahit nabawi sa suspek ang ilan sanang tatangayin niyang paninda na itinago sa loob ng damit, todo tanggi ang babae sa paratang.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nakapambiktima na rin ang kanilang grupo sa iba pang bahagi ng Benguet, Baguio City, Ilocos region at Cagayan Valley.
Sinampahan na ng kaukulang reklamo ang suspek.
Sa Bayugan, Agusan del Sur naman, dinakip din ang apat na hinihinalang investment scammer, na nag-aalok umano ng 30% na tubo sa kanilang mga biktima.
Pangako ng mga suspek na tutubo raw sa loob ng isang buwan ang perang ibibigay sa kanila.
Nahaharap sila sa reklamong syndicated estafa. Hindi sila nagbigay ng pahayag.--Jamil Santos/FRJ, GMA News