Tatlo ang patay at apat na iba ang nasaktan nang atakehin at silaban ang isang bus sa M'lang, Cotabato.

Iniulat sa "Unang Balita" nitong Biyernes na naglalagablab na ang bus nang madatnan ng rescue team at ng mga awtoridad.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, binaril ng mga salarin ang driver ng bus na biyaheng Tacurong City, galing sa Kipapawan City.

Pagkatapos ay binuhusan umano ng gasolina ang bus at sinilaban.

Dahil mabilis umano ang pagkalat ng apoy, nataranta ang mga pasahero at may ilang hindi na nakalabas.  Tatlo ang na-trap sa loob at nasawi.

Dagdag ng ulat, apat na iba pa ang isinugod sa ospital dahil nagtamo ng second-degree burns.

Napag-alamang naghahatid at sumusundo ng mga frontliner, at authorized persons outside residence (APOR) ang naturang bus.

Inaalam pa ang motibo sa pag-atake at kung sino ang nasa likod nito.

Wala pang pahayag ang may-ari ng bus na nakabase sa Koronadal City. —LBG, GMA News