Nahuli-cam ang pagbangga ng isang truck sa kongkretong poste na bumagsak naman sa paparating na tricycle sa San Fernando City, La Union.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, ipinakita ang video na kuha sa dashcam ng isang motorista sa Barangay Lingsat nang banggain ng truck ang poste at natiyempo naman na paparating ang tricycle na minamaneho ni Cesardo Dulay.
Galing sa kabilang kalye ang truck na tumawid sa highway na tinatahak ng tricycle na napitpit ng poste.
"Naka-park yung truck, naka-inclined park sa upper portion ng commercial warehouse para mag-unload sana ng several flywoods. Itong co-worker ng driver ng truck, sinabihan siya na ipaatras niya yung truck," ayon kay Police Major Benjie Umalla, hepe ng San Fernando Police.
Hindi umano nag-start ang truck at dumausdos sa kalsada at ibinangga na lang driver sa poste.
Nadala naman kaagad si Dulay sa ospital at ligtas na.
"Naipit ako talaga sa tricycle. Hindi ako nakaalis doon," ani Dulay. "Wala namang fracture sabi ng duktor."
Nagkausap na umano ang magkabilang panig para ayusin ang mga damages.--FRJ, GMA News