Kahit nawalan ng malay sa itaas ng poste matapos makuryente, masuwerteng nakaligtas sa kamatayan ang isang lineman sa Ilocos Norte at naikuwento niya kung ano ang nangyari.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha sa cellphone sa ginawang pagsagip ng iba pang lineman sa kanilang nadisgrasyang kasamahan na si Raymar Cabanting, 29-anyos.
Nagtulong ang dalawang lineman para maibaba ang kasamahan na si Cabanting na walang malay sa itaas ng poste.
Kaagad nilang isinugod sa ospital si Cabanting.
Ayon sa pulisya, nagtamo lang ng minor injuries si Cabanting at nakabalik na rin sa trabaho.
Kuwento niya, "Medyo patanghali na kasi, mainit na kaya ako na yung umakyat para matapos na hindi naman inaasahan na aksidente. umangat ako ng isang hagdan lang sa ladder yun nawalan na ng malay sa taas."
Kompleto naman daw sila sa protective gear at wala rin daw siyang nahawakan na live wire.
"Wala naman akong nahawakan pero parang nahigop ng kuryente ang ulo ko. Basa rin kasi sa pawis ang damit ko," dagdag niya.
Sinagot naman daw ng kanilang kompanya ang gastusin sa kaniyang pagpapagamot.--FRJ, GMA News