Isang 25-anyos na student pilot ang nasawi nang mag-crash landing ang pinapalipad niyang maliit na eroplano sa karagatan na bahagi ng Bauang, La Union nitong Miyerkules.
Sa pahayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Operations and Rescue Coordination Center, sinabing ang biktima ay mula sa First Aviation Academy sa Subic Bay International Airport.
Nagsasagawa umano ito ng solo-cross country flight.
Batay sa school’s flight plan, ang eroplano na may numerong RP-C8230 ay nagmula sa Iba Airport sa Zambales, na nagtungo sa La Union Airport at magtutungo sa Lingayen Airport, bago babalik sa Iba Airport.
Dinala pa ang biktima sa Caba Municipal Health Office pero idineklara na siyang patay. Nakalagak ang kaniyang labi sa Mapanao Funeral Service sa Aringay, La Union.
Ilang bahagi ng eroplano ang nakuha malapit sa baybayin.
Sinabi ng CAAP na nagtungo na ang mga imbestigador mula sa Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board upang alamin ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano.—FRJ, GMA News