Isang remittance center sa San Miguel, Bulacan ang hinoldap ng isang lalaking naka-helmet. Sa follow-up operation, nasakote ang holdaper na lumitaw na isa palang pulis na nakatalaga sa Quezon City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang CCTV footage habang nililimas ng nag-iisang holdaper ang pera sa remittance center nitong Lunes.
Matapos makuha ang pera, tumakas ang salarin sakay ng itim na motorsiklo.
Kaagad na nagsagawa ng manhunt operation ang mga pulis sa Bulacan hanggang sa matunton ang salarin at nakilala kinalaunan na si Police Corporal Moises Yango
Nang mahuli si Yango, tinitiktikan umano nito ang isa pang remittance center sa San Ildefonso.
Nakuha kay Yango ang kaniyang baril, ang perang tinangay sa hinoldap na remittance center, granada at QCPD ID.
Hinihinala ng mga awtoridad na si Yango rin ang posibleng nasa likod ng panghoholdap sa isang remittance center sa Nueva Ecija.
Paliwanag ng suspek, napasok siya sa kriminal na gawain nang malulong sa online sabong at mabiktima ng pyramid scheme.
Nangako si PNP chief General Guillermo Eleazar na masisibak sa trabaho si Yango at sasampahan ng kaukulang kaso.—FRJ, GMA News