Kasama ang pitong bata sa 13 katao na nasawi nang mahulog ang sinasakyan nilang SUV sa irrigation canal sa Tabuk City, Kalinga nitong Linggo.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ng pulisya na bumibiyahe ang SUV sa Barangay Bulo nang mahulog ito sa irigasyon at lumubog sa tubig.
Sa Facebook post naman ng Tabuk City government, nakasaad na itim na Ford Everest ang sasakyan na naaksidente at minamaneho ni Soy Lope Agtulao.
“According to rescuers from PDRRMC and the PNP, at around 2:30 this afternoon, 15 passengers were in the car and 13 of them drowned including children and adults,” ayon sa FB post.
Hindi na umano umabot nang buhay sa Mija Kim Medical Center sa Agbannawag ang 12 nasawi.
Samantalang sa Kalinga Provincial Hospital (KPH) naman itinakbo ang tatlo pang biktima, at pumanaw din ang isa.
Apat sa mga biktima ay mula sa Tadian, Mountain Province, habang ang iba pa ay mula sa Tabuk City, ayon sa lokal na pamahalaan.
Batay sa police report ng Tabuk City Police Station, miyembro ng Philippine National Police na nakatalaga sa Tadian Municipal Police Station ang nagmamaneho ng SUV.
Ayon sa pulisya, 11 sa mga biktima ay pitong babae at apat na lalaki.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa dahilan ng aksidente.—FRJ, GMA News