Sinibak sa puwesto ang isang pulis na nakabangga ng sasakyan matapos siyang magpaputok ng baril nang pagbabatuhin at kuyugin ng mga residente sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita sa cellphone video ang isang dark gray na kotseng may nakabangga ring isang kotse sa kabilang lane.

Ilang saglit pa, umusad na ang kotse kaya hinabol ito ng mga residente ang kotse at ilang miyembro ng TODA.

Nauwi ang panghahabol sa pagkuyog at pamamato sa sasakyan.

Ilang sandali pa ang lumipas, bumaba na ang driver ng dark gray na kotse at nagpaputok ng ilang beses.

Nagtakbuhan papalayo ang mga tao, samantalang nakunan ang ilang lalaki na may hawak na tipak ng bato habang pinanonood ang galaw ng armadong lalaki.

Kinilala ang nagpaputok ng baril na si Police Staff Sergeant Ismael Dulin, miyembro ng Warrant Section ng Dasmariñas Police.

Lumabas sa imbestigasyon na nagkasabitan sa isang kanto ang sasakyan ng pulis at dalawa pang sasakyan pasado 8 p.m. nitong Biyernes.

Depensa ni Dulin, itatabi lang niya ang kaniyang kotse at wala siyang balak tumakas pero nang pagbabatuhin, kuyugin at tamaan ng malalaking bato, napilitan siyang magpaputok ng baril para ipagtanggol ang sarili.

Wala namang nagtamo ng sugat sa insidente, at nakipag-ayos na ang dalawang may-ari ng sasakyang nakabanggaan ng pulis.

Gayunman, dinisarmahan ng Dasmariñas Police si Dulin, inalis sa puwesto at kinasuhan.

Hindi nagbigay ng pahayag si Dulin. -Jamil Santos/MDM, GMA News