Isa ang patay habang walo ang sugatan matapos araruhin ng isang delivery van ang dalawang tricycle sa Maharlika Highway sa Pagbilao, Quezon nitong Linggo ng umaga.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Pabilao Municipal Police Station, nangyari ang insidente dakong 5 a.m. sa Barangay Malicboy.

Ayon sa pulis report, galing sa Batangas ang dalawang tricycle na may tig-tatatlong sakay at pauwi na sana sa Labo, Camarines Norte nang salpukin ang mga ito ng delivery van.

 

Photos by Peewee Bacuño
Photos by Peewee Bacuño

Wasak na wasak ang isang tricycle habang halos magkahiwa-hiwalay na ang isa pa. Wasak rin ang unahang bahagi ng delivery van, na sumalpok din sa concrete barrier pagkatapos araruhin ang mga tricycle.

 


Naipit sa ilalim ng truck ang driver ng isang tricycle, dahilan upang tumagal ng dalawang oras ang rescue at retrieval operation ng MDRRMO-Pagbilao.

Naisugod kaagad sa Quezon Medical Center sa Lucena City ang mga sugatan. Nasa kritikal na kalagayan ang apat sa mga sakay ng dalawang tricycles.

Ayon kay Police MSgt. Ryan Lacerna, imbestigador ng Pagbilao Pulis, galing sa isang lamay ng patay sa Batangas ang mga biktima at pauwi na sana sa bayan ng Labo.

Kuwento umano ng van driver, namatay ang makina at nawalan ng preno ang kanyang sasakyan sa pababang bahagi ng highway dahilan upang masalpok ang dalawang kasalubong na tricycle.

Sugatan din ang driver at ang dalawang pahinante ng delivery van.

Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injuries at Damage to Property ang driver na kinilalang si Anselmo Celestino Jr. na ngayon ay ginagamot pa sa Quezon Medical Center.

Accident-prone umano ang lugar na pinangyarihan ng aksidente, ayon sa mga pulis.

Sa mga oras na ito hindi pa dumarating ang mga kaanak ng mga biktima. Nakipag ugnayan na sa Pagbilao Pulis ang may-ari ng delivery van. —LBG, GMA News