Ipinasara ang isang resto bar sa Lapu-Lapu City, Cebu matapos makita sa video ang pagpa-party ng isang grupo ng mga kabataan na walang mga face mask at face shield sa mismong pista ng Sinulog.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa video na kuha noong ika-17 ng Enero na nag-iinuman at nagsasayawan ang mga kabataan na tila hindi alintana ang pandemya.
Dahil dito, nagpadala ang pamunuan ng Lapu-Lapu City ng cease and desist order sa resto bar.
"It's a blatant violation of the health protocols established by the city. Na-issue na 'yung cease and desist, which is akin to a closure order," sabi ni Atty. James Sayson, Asst. City Attorney ng Lapu-Lapu City.
Matapos ang insidente, magsasagawa ng random inspection ang mga awtoridad sa mga negosyo sa lungsod upang malaman kung sumusunod sila sa health protocols.
Hindi muna pinangalanan ang resto bar, na hindi pa nagbibigay ng pahayag.
Pinulong din ang mga kapitan sa barangay para sa mahigpit na pagpapatupad ng quarantine protocols sa kani-kanilang hurisdiksiyon.
Pinag-iisipan din ng siyudad ang mungkahi na ipagbabawal muna ang negosyo na "leisure" category dahil sa pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19.
Inatasan din ang isang grupo na mag-suri sa health protocols na pinatutupad sa locators ng Mactan Export Processing Zone (MEPZ). —LBG, GMA News