Pasubsob na namatay ang isang lalaki sa tapat ng tindahan matapos siyang mahagip ng trak na nawalan daw ng preno sa Padre Burgos, Quezon kaninang hapon ng Miyerkules.
Nangyari ang insidente sa Barangay Burgos, Padre Burgos, Quezon dakong 2:00 pm, kung saan isang kotse, isang tricycle at isang tindahan ang sinalpok din ng trak.
Sa kuha umano ng CCTV, makikita na mabilis na pagdating ng dump truck na patungo sa Pagbilao, Quezon.
Unang nasalpok ng dump truck ang sinusundan nitong puting kotse hanggang sa tuluyang bumangga sa isang tindahan kung saan nasapul ang isang lalaki na kaagad na nasawi.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng nasawing biktima.
Tinamaan rin ng trak ang isang nakaparadang tricycle.
Nawasak ang likod ng kotse pero masuwerteng nakaligtas ang mga lulan nito.
Mabilis na na-rescue ng MDRRMO-Padre Burgos ang mga sugatan at naisugod sa pagamutan.
Ayon sa Padre Burgos Municipal Police Station, idinahilan ng driver ng trak na nawalan ng preno ang sasakyan at nawalan siya ng kontrol sa manibela.
Nasa kostudiya ng pulisya ang drayber ng trak na tumangging magbigay na ng pahayag.
Mahaharap siya sa mga reklamong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries and damage to properties.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News