Nahirapan ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng physical distancing sa labas ng Jaro Metropolitan Cathedral dahil sa pagdiriwang ng kanilang bayan, pati na rin ng Nuestra Señora de la Candelaria.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing dumagsa ang mga deboto mula sa iba't ibang lugar, at napuno rin ang mga kalsada ng mga sasakyan.

Naging hamon sa pulisya ang pagpapatupad ng health protocol.

"Medyo mahirap kasi ang mga tao medyo nawawala na ang awareness nila (sa COVID-19) kaya kailangan silang i-remind," sabi ni Police Lieutenant Colonel Reuben Siason, OIC ng Jaro Police.

Nilagyan na ng distancing markings ang compound ng simbahan para magbigay paalala sa mga deboto tungkol sa physical distancing.--Jamil Santos/FRJ, GMA News