Nagbigay-paalala ang mga awtoridad sa mga tindero at tindera na suriing mabuti ang ibinabayad sa kanilang pera matapos na mabiktima ang ilang senior citizen sa Mindanao ng pekeng P1,000 bill na iniabot sa kanila.
Sa ulat ni Real Sorroche ng GMA Regional TV One Mindanao sa Balitanghali nitong Huwebes, inilahad ni Nanay Evangeline Candol na may isang customer na lalaki ang bumili sa kaniyang tindahan ng mga bilihing nagkakahalaga ng P150.
Nag-abot muna sa kaniya ang lalaki ng isang tunay na P1,000 bill. Pero nang susuklian na niya ito, binawi ng lalaki ang pera at sinabing may barya siya.
"Sabi sa akin 'Nay meron akong barya, ito na lang,' tapos sinauli ko 'yung original, hindi 'yung peke. Tapos sabi niya 'Nay kulang 'yung barya ko.' Sabi ko 'Ibalik mo 'yung P1,000 babaryahan ko.' Hindi ko naman nakita na peke 'yung [ibinalik]," sabi ni Candol.
Makikita sa CCTV footage na agad na umalis ang suspek sa tindahan at sumakay sa naghihintay na pedicab o payong-payong.
Tinangkang habulin ng apo ng biktima ang suspek pero mabilis na itong nakalayo.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek.
Emosyonal naman ang 70-anyos na si Nanay Rosa Emigo ng Davao City matapos siyang mawalan ng P1,000 na inutang niya.
"Pambili ko sana 'yung ng gamot, panghanda sa birthday, pambili ng pancit bihon. Bahala na sila, ang importante malusog ang pangangatawan," ayon kay Emigo, na nabiktima ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo.
Modus ng mga salarin na bumili ng isang kaha ng sigarilyo gamit ang pekeng P1,000. Binibiktima nila ang mga tindahan na senior citizen ang nagbabantay.
Nagpaalala naman ang mga pulis na maging alisto ang mga tindero at tindera sa mga modus at suriin ang perang ibinabayad bago mag-abot ng sukli. —LBG, GMA News