Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking namalimos ng pangsigarilyo niya matapos umanong manuntok at manaksak ng taong hiningan niya ng pera sa Calasiao, Pangasinan dahil kulang ang ibinigay.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nakipagtalo at bigla na lang umanong nagwala ang 44-anyos na suspek matapos matanggap ang inilimos sa kaniya sa Barangay Gabon.
Nagtamo ng mga sugat ang biktima pero tumanggi na itong magbigay ng pahayag.
Sugatan din ang suspek matapos namang pagtulungan daw ng mga tao.
Inamin naman ng suspek na nanghihingi siya ng P10 para makabili ng sigarilyo pero hindi raw siya ang nagsimula ng gulo.
Napag-alaman naman ng mga pulis na nasangkot na noon ang suspek sa paggamit ng ilegal na droga.
Inihahanda ng pulisya ang kasong isasampa laban sa kaniya.--FRJ, GMA News