Isang barangay tanod na nagmamando sa isang checkpoint sa Floridablanca, Pampanga ang nasawi matapos siyang balikan ng riding in tandem na una niyang sinita dahil walang suot na face mask.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Joseph Labonera Jr, 59-anyos, tanod ng Barangay del Carmen.

Sa kuha ng CCTV, makikita na tumayo si Labonera sa kaniyang puwesto nang dumating ang dalawang salarin na sakay ng motorsiklo.

Tumigil sila sa tapat ng biktima at bumunot ng baril ang angkas at pinagbabaril ang tanod.

Hindi nakilala ang mga salarin dahil may takit ang mukha ng isa habang naka-helmet naman ang gunman.

"Dahil sa sobrang higpit, grabe naman sila. Sobrang higpit... para di sila masita sumunod sila sa health protocol. Hindi yung patayin nila yung tao," sabi ng punong barangay na si Joel Santos.

Magsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Naglaan naman ang gobernador ng lalawigan ng P300,000 pabuya sa makapagtuturo ng pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA News