Nakumpiska ang nasa P10 milyon na halaga ng iligal na droga mula sa tatlong Nigerian sa magkahiwalay na operasyon sa Cavite.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing nasa halos P7 milyon shabu ang nakuha sa dalawang Nigerian na sina Benjamin Enemuo at Chidubem Nwono.
Ayon sa mga pulis, pinaghihinalaang mga miyembro ng isang malaking drug group ang dalawa na ilang linggo na nilang minamatyagan.
Lagi rin daw nasisita ang dalawa dahil sa paglabag sa quarantine protocol tulad ng pag-iinuman sa labas ng bahay.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek.
Sa hiwalay na operasyon, isa pang Nigerian ang inaresto sa General Trias, Cavite at nakumpiska sa kaniya ang mahigit P3 milyong halaga ng shabu at P600,000 na halaga ng marijuana.
Itinanggi ng suspek ang paratang at sinabi na nasa Pilipinas siya para mag-aral.--Joviland Rita/FRJ, GMA News