Kalunos-lunos ang sinapit ng isang pitong-taong-gulang na babae sa Carmona, Cavite na patay na nang makita, walang saplot at may saksak sa batok at gulugod. Isang lalaki ang inaresto pero itinanggi niyang siya ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagtamo ang biktimang si Lang Lang ng tatlong saksak sa batok at isa sa gulugod o spine.
Ikinuwento ng nanay ni Lang Lang na namasko lang ang kaniyang anak noong Disyembre 26 pero hindi na ito nakauwi.
Noong araw na iyon, inihabilin muna niya sa kaniyang asawa ang mga anak habang namimili siya mula sa mga napamaskuhan ng mga bata.
"Tuwang-tuwa po ako kasi malaki 'yung napamaskuhan nila. Kasi sabi niya sa akin 'Ma bilhan mo naman ako ng tsinelas tsaka damit,'" kuwento ng ina ng biktima.
Ngunit nakabalik na raw ang ina pero wala pa rin ang biktima pagsapit ng hapon. Kinagabihan, nagpatulong na ang pamilya ni Lang Lang sa barangay at pulisya ng Carmona, Cavite para hanapin ang bata.
"Kahit umuulan po, basang basa po kami ng ulan, para mahanap lang po 'yung anak namin, hindi po talaga siya makita. Hanggang sa hinanap po namin kung saan-saang computer-an po, wala talaga," saad ng ina ng biktima.
Pagsapit ng pasado 1 a.m. ng Disyembre 27, natagpuan si Lang Lang na wala nang buhay sa isang masukal na lugar sa Barangay Lantic sa Carmona.
"Niyakap ko na, hindi ko talaga kaya. Niyakap ko nang husto 'yung anak ko," sabi ng ina ng biktima.
Dalawang testigo ang hawak ng pulisya, na parehong itinuturo ang isang Michael dela Cruz, 22-anyos, na huling nakitang kasama ng biktima.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nakita ng isang testigo si dela Cruz kasama ang bata sa lugar kung saan nakita ang bangkay nito.
"Sinama siya para pumunta doon sa kubo na malapit doon sa may tabing-ilog. Kasi the usual, doon talaga sila naglalaro kasama ng mga iba pang bata," ayon kay Police Staff Sergeant Joel Mendoza, Chief Investigation Section ng Carmona Police.
Sinabi naman ng isang testigo na nakita rin niya na paalis si dela Cruz sa lugar na mag-isa bandang 4 p.m.
"Pauwi na ako ng alas-kwatro nakita ko ito nga pong si Michael na palabas galing sa eskinita o pinangyarihan na 'yun," sabi ng isang testigo.
Pero mariing itinanggi ni dela Cruz ang paratang at sinabing galit lang sa kaniya ang mga nagdidiin sa kaniya sa krimen.
"Wala pong [katotohanan] 'yan, pawang kasinungalingan lang. Grabe po sisirain nila buhay ko. Ako po ay masasabi ko po, ako ay inosenteng tao. Sinasabi ko po ang pawang katotohanan," sabi ni dela Cruz.
"May galit po sa akin. Galing po doon sa pagsita ko sa pagkuha nila ng gulay sa aming lupa," dagdag niya.
Hindi pa matukoy kung ginahasa ang biktima, samantalang sinampahan na ng kasong murder ang suspek na nakakulong sa Carmona Police Station.--Jamil Santos/FRJ, GMA News