Patay ang isang magsasaka matapos saksakin ng kaniyang kainuman sa Adams, Ilocos Norte, ayon sa ulat ni Bam Alegre para sa Balitanghali nitong Biyernes.

Base sa imbestigasyon, nagtalo ang biktimang si Charles Nieto at ang suspek na si Richard Tumaneng tungkol sa trabaho sa bukid.

Napikon daw ang suspek at pinagsasaksak sa dibdib ang biktima.

Ayon sa pulisya, matagal nang may alitan si Nieto at Tumaneng.

Naaresto si Tumaneng na tumangging magbigay ng pahayag.

Riding-in-tandem

Sa Paoay, binaril naman at pinagnakawan ang isang 70-anyos na lalaki ng riding-in-tandem.

Ayon sa kaniyang kinakasama, galing sa bukid ang biktimang si Bernardo Mangusim at pauwi na sakay ng kaniyang bisikleta nang lapitan ng dalawang nakamotorsiklo at barilin.

Kinuha sa biktima ang kaniyang cellphone at wallet na may lamang P2,000.

Nakatakas agad ang mga suspek habang tinakbo naman sa ospital ang biktima at nasa maayos ng kalagayan.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Aborsyonista

Samantala, sa tulong ng isang tip, naaresto naman sa isang entrapment operation ang isang nurse na umano’y aborsyonista sa Laoag.

Nakuha sa suspek ang isang set ng dextrose, gamot na karaniwalang ginagamit pampalaglag at iba pang mga kagamitan.

Depense ng suspek, walang nangyaring abortion noong inaresto siya.

Ngunit inamin naman niyang dati na siyang nakulong dahil sa abortion pero na-dismiss daw ang kaso. — Ma. Angelica Garcia/RSJ, GMA News