Isa ang patay habang pito naman ang sugatan sa karambola ng sasakyan sa Rodriguez, Rizal, dahil umano sa isang nakatulog na driver, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.
Sa kuha ng CCTV, makikitang binangga sa likod ng isang puting van ang isang closed van. Nadamay naman ang hindi bababa sa anim na tricycle.
Isang tricycle driver ang nasawi sa aksidente.
Batay sa imbestigasyon, nakatulog habang nagmamaneho ang driver ng puting van na si Edgar Abringue, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at multiple damage to properties.
Hindi nagbigay ng pahayag si Abringue. —KBK, GMA News