Dalawang malalaking butanding ang namataan ng mga mangingisda sa Ragay Gulf sa bahagi ng Guinayangan, Quezon dakong 9 a.m. nitong araw ng Linggo.
Nakita ito ng mga nanghuhuli ng balaw o yung maliliit na isda na paboritong kainin ng mga Butanding.
Dahil mabilis na kumalat ang balita sa bayan ng Guinayangan ay agad na nagtungo sa lugar kung saan namataan ang mga Butanding ang ilang residente upang makita ito.
Base sa kwento ng nga mangingisda, ilang araw na raw nilang nakikitang tila naglalaro ang mga higanteng isda sa dagat.
Inalerto na ang LGU at BFAR upang mabantayan ang mga Butanding laban sa posibleng may masamang banta sa mga ito.
Nito lamang Biyernes ay apat na butanding rin ang namataan sa Ragay Gulf na sakop ng Isla Santa Rita, Del Gallego, Camarines Sur.
Ayon sa mga eksperto, posibleng dito nakakakuha ng pagkain ang mga Butanding kunga kaya’t madalas silang makita sa lugar. Sana raw ay hindi magambala ang mga ito at ma-protektahan. —LBG, GMA News