Inaresto ng mga awtoridad ang anim na turista sa Boracay dahil lima umano sa kanila ay peke ang isinumiteng RT-PCR COVID-19 test result.
Ayon kay acting Provincial Director Police Colonel Esmeraldo Osia, galing sa Metro Manila ang anim na turista na hindi tinukoy ang mga pangalan at dumating sa Boracay noong Disyembre 5.
Isa sa mga pangunahing rekisitos sa mga turistang pumapasok sa Boracay ang pagsusumite ng RT-PCR test para mapatunayang negatibo sila sa COVID 19.
Basahin: Visiting Boracay amid COVID-19 pandemic? Here are the guidelines
Sinabi ni Esmeralda, na nakatangap sila ng impormasyon nitong Lunes na lima sa anim na RT-PCR test ay peke kaya pinuntahan sila at mga awtoridad at inaresto.
Kaagad na inilagay ang mga anim na turista sa quarantine facility sa Kalibo habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa nasabing insidente.
Ayon kay Osia, ang anim na mga turista ay kinabibilangan ng dalawang lalaki at apat na babae, at nakatakda na sanang bumalik sa Metro Manila sa Miyerkules (December 9) matapos ang kanilang bakasyon sa Boracay.
Pero dahil sa pangyayari, isasailalim sila sa 14-day quarantine period sa Kalibo at posibleng maharap sa kaso sa paglabag sa mga panuntunan tungkol sa pag-iingat laban sa COVID-19.--FRJ, GMA News