Inaresto ng mga awtoridad ang isang high-value drug suspek sa Cebu City matapos siyang mahulihan umano ng 28 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalagang P4.8 milyon.

Ang suspek ay nakilalang si Ma. Rachel Montero alias Iki, 22-anyos, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Itinuro siya umano ng kanyang mga kasabwat.

Walang binigay na pahayag ang suspek.

GenSan

Samantala, sa General Santos City, nakuha ng mga awtoridad ang ilang high-grade cocaine na itinago sa isang refrigerated container van.

Ininspeksiyon din nila ang 30 pang refrigerated container van na kasabay dumating nitong nakuhanan ng droga, ngunit wala namang nakitang kontrabando rito.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, maaaring naipuslit ang droga bago dumating ang refrigerated container van sa General Santos City o GenSan.

Galing daw Singapore ang refrigerated container van at dumaan ito sa Davao City bago dumating sa GenSan.

Naic, Cavite

Sa Naic, Cavite, napatay ang isang drug suspek matapos itong manlaban umano sa mga awtoridad sa isang buy-bust operation.

Naghain ng warrant of arrest sa supek na si Denyok Evangelista ang mga awtoridad nang nanlaban daw umano ito.

Narekober sa suspek ang ilang pakete ng shabu, marked money at isang baril.

Ayon sa pulisya, dati nang nasangkot sa robbery at holdup ang suspek. —KG, GMA News