Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaking nagpositibo sa COVID-19 sa Mangaldan, Pangasinan matapos niyang takasan ang mga awtoridad na maghahatid sa kaniya sa quarantine facility.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing isinailalim muna sa rapid test ang lalaki dahil nakasalamuha siya ng isang pasyente na unang nagpositibo sa virus.
Nang maging reactive ang resulta ng rapid test, isinailalim naman ang lalaki sa swab test. Pero habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri, pinayuhan ang lalaking asymptomatic na manatili muna sa bahay at huwag makisalamuha sa iba.
Pero nang lumabas na ang resulta ng swab test at positibo sa virus ang lalaki, pinuntahan siya ng mga health authorities para dalhil sa quarantine facility ng Mangaldan pero hindi na siya nakita sa bahay.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jun Wacnag, hepe ng Mangalandan police, sinabihan nila ang mga kamag-anak ng lalaki na "sumuko" at magpunta na sa quarantine facility para hindi na lumalala pa ang kaniyang sitwasyon.
Nagbabala si Wacnag na kakasuhan nila ang lalaki sa paglabag sa "Bayanihan To Heal As One Act" kapag hindi ito nakiisa upang mapagamot siya.
Nakiusap rin ang health autorities sa lalaki na "sumuko" para hindi malagay sa peligro ang mga taong makakasalamuha niya bilang isang asymptomatic patient, o walang ipinakikitang sistomas pero taglay ang nakamamatay na virus.--FRJ, GMA News