KALIBO, Aklan- Ikinasa ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Kalibo ang 14 araw na surgical enhanced community quarantine o SECQ sa buong Purok 1 sa C. Laserna Street sa Poblacion simula November 20.
Base kasi sa tala ng Provincial Epidemiology Service Unit ng Provincial Health Office o PHO 16, may pitong bagong kaso ng COVID-19 sa lugar na pawang close contact ng isang COVID-19 na pasyente na namatay noong Nobyembre 17.
Magtatapos ang SECQ sa nasabing purok sa Disyembre 4.
EXECUTIVE ORDER NO. 79 AN EXECUTIVE ORDER DECLARING/IMPOSING SURGICAL ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE ON THE IDENTIFIED...
Posted by Kalibo Public Affairs on Thursday, November 19, 2020
Tuloy-tuloy naman ang isinasagawang ayuda ng lokal na pamahalaan sa mga residente ng nasabing purok.
Samantala, ayon sa PHO, umabot na sa 215 ang mga naitalang kaso ng COVID 19 sa buong Aklan.
Sa nasabing bilang, 33 ang aktibo, siyam ang namatay (kasama na ang isa sa Purok 1) at naka-recover na ang iba.
Ayon sa Department of Health, ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 ay umabot na sa 415,067 nitong Biyernes.
Ang mga naka-recover ay 375,237 habang 8,025 naman ang mga namatay. —KG, GMA News