Humupa pa ang tubig-baha sa ilang lugar sa Isabela pero hirap pa rin ang mga residente dahil sa makapal na putik.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkules, sinabing hanggang binti ang iniwang putik ng bagyong "Ulysses" sa Barangay Pilig Abajo sa munisipalidad ng Cabagan.
Kaya bukod sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig at pagkain, nananawagan din ang mga residente ng donasyon na bota.
Nagsusugat na raw ang paa ng mga tao dahil sa pagsabak sa putik at kung minsan ay nakakatapak pa ng matutulis na bagay tulad ng bubog.
Marami ring bahay ang nawasak at ang ibang residente ay wala nang naisalbang gamit. --FRJ, GMA News