Hindi pa rin humuhupa ang baha sa Sta. Cruz, Laguna matapos manalasa ang Bagyong Ulysses nitong nakaraang linggo.
Halos 800 na pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center dahil sa baha, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.
Umabot sa bewang ang baha sa Sta. Cruz dulot ni Ulysses.
Sa Barangay Santo Angelo Central na katabi ng Laguna de Bay, baha pa rin nitong Miyerkoles.
Bangka na ang ginagamit ng mga residente para mabisita ang kanilang mga bahay.
Sanay na raw ang mga residente sa baha kapag umaapaw ang Laguna de Bay, ngunit mas malalim daw ang tubig ngayon at mas matagal mawala. Dahil daw ito sa sunod-sunod na mga bagyo.
Sa ibang lugar, hanggang kalahati ng bahay ang inabot ng baha.
May mga nakita ring maliliit na isda na pumasok sa bahay kasama ng baha.
Ayon sa isang residente, ang huling malalang baha na naranasan nila ay noong Bagyong Ondoy.
Ang mga baha simula noon ay umaabot lang hanggang tuhod. Pero ngayon ay mas mataas na raw ang baha.
May mga lalaking residente na nagpunta sa kanilang mga bahay para tingnan ang sitwasyon at ma-check ang seguridad.
May isang lola naman na hindi nagtungo sa evacuation center at piniling manatili sa bahay niya para matingnan ito.
Ayon sa mga residente, kailangan nila ng higaan, bigas at pagkain, at financial assistance para makapagsimula muli. Nasira kasi ang kanilang mga taniman.
Sana raw ay huwag silang abutin ng Pasko sa mga evacuation center. —KG, GMA News