Dahil sa bintang na mangkukulam, pinagbabaril at napatay ang isang ama ng kaniyang mga mismong pamangkin sa Negros Occidental. Ang anak ng biktima, nadamay din.

Nangyari ang trahediya sa Binalbagan, Negros Occidental, kung saan tinadtad ng bala ang 54-anyos na si Crisanto Espante Sr., at kaniyang anak na si Junjun.

Ang suspek sa krimen, ang mga pamangkin ni Espante na sina Jomar, Jim , James at Dandy Salvador.

Si Jomar at Jim, ay anak ni Jomari, na asawa ng kapatid ni Espante.

Nang mamatay si Jomari, bigla na lang daw itong natumba at pinaghinalaan ng albularyo na kinulam ito.

At ang hinihinala nilang kumulam, si Espante na ilang beses na raw nakaalitan ni Jomari.

Pero giit ng asawa ni Espante, hindi mangkukulam ang kaniyang mister kung hindi manghihilot lamang.

Ang malagim na pagpatay sa mag-amang Espante, nasaksihan mismo ng dalawa pang anak ng amang biktima.

Bagaman may naghihinala na kinulam si Jomari, ang ibang residente naman, naniniwalang inatake siya sa puso.

Isinakatuparan ng mga anak ni Jomari ang paghihiganti sa kaniyang "pasiyam."

Matapos ang pagpatay sa mag-amang Espante, tumakas ang mga suspek at patuloy siyang pinaghahanap ng mga awtoridad. --FRJ, GMA News