Matapos manalasa ang bagyong "Rolly," patuloy namang nagluluksa ang mga nawalan ng mahal sa buhay. Kabilang dito ang isang ina na namatayan ng anak matapos matusok ng kahoy na nilipad ng hangin at tumagos sa kanilang bahay sa Catanduanes.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ikinuwento ni Mercy Tapel, na nagtago ang kaniyang mga anak at mga kaibigan sa kanilang bahay sa San Miguel nang tumama ang bagyo.
Pero isang kahoy na nilipad ng hangin ang tumagos sa dingding na yero ng kanilang bahay at tumusok sa 27-anyos na si Angelo, na naging dahilan ng kaniyang pagkasawi.
“Napakabait niyan… Sana gabayan na lang niya ako. Kung nasaan man siya naroon,” naiiyak na sabi ni Aling Mercy.
Nakaburol pa sa kanilang bahay ang mga labi ni Angelo sa nakalagay sa ataul na gawa sa kahoy at plastik ang nakatakip sa halip na salamin.
“Sinabi niya, ‘Mama huwag ka mag-alala, basta makatapos ako titigil ka na sa pagtatrabaho. Ako na bahala.’ Ganoon lang mga sinasabi niya sa akin. Wala na, wala na akong pag-asa. Wala na siya,” malungkot niyang pahayag.
Sa ulat ng Office of Civil Defense-Region V, nasa 17 katao ang nasawi sa Bicol region na matinding hinagupit ni Rolly. --FRJ, GMA News