Isang 24-anyos na babae ang ginahasa umano ng isang pulis matapos sitahin dahil sa paglabag sa curfew at 'di pagsusuot ng face mask sa San Miguel, Bulacan.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang inarestong suspek na si Police Lieutenant Jimmy Fegcan.
Tumanggi siyang humarap sa camera pero itinanggi niya ang paratang .
Sinampahan na siya ng kasong administratibo at kriminal, at inalis na rin sa kaniyang puwesto.
Ayon sa tiyahin ng biktima, bibili lang sana ng cup noodles ang kaniyang pamangkin noong Oktubre 28 nang sitahan ni Fegcan dahil sa paglabag sa curfew at walang suot na face mask.
Maayos daw na sumama ang biktima sa pulis para matiketan at magbayad ng multa sa presinto.
Pero dakong 2:00 a.m. habang nasa presinto, ipinatawag daw ni Fegcan ang biktima na magpahinga sa quarters nito at doon na ginahasa.
Nang makauwi ang biktima, ikinuwento niya ang ginawa sa kaniya ni Fergan. Kaagad naman nagsumbong ang pamilya sa mga awtoridad at inaresto ang suspek.
"Ewan ko kung anong pumasok sa isip niya at pinatulog niya sa kaniyang headquarters. At base dun sa report later, he forced the victim na alisin yung damit and he was able to...nagawa niya yung carnal knowledge niya dun sa biktima," ayon kay Police Brigadier General Valeriano de Leon, Regional Director-PRO3.
Hangad naman ng pamilya ng biktima na makamit nila ang hustisya para sa kanilang kaanak.
"Kahit mahirap lang kami hindi kami puwedeng manahimik sa ganiyan. Talagang gagawa kami ng para makulong siya," anang tiyahin ng biktima.
Nangako naman si De Leon na pabibilisan niya ang kasong administratido laban sa suspek.--FRJ, GMA News