Dinakip ang isang negosyante matapos ireklamo ng panloloko umano ng mga ginawa niya sa pagbebenta ng mga sasakyan sa kaniyang mga customer. Gaya umano ng isang kotse na kaniyang ibinenta gayung nakasangla lang pala.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Esrom Paming, 26-anyos, na nadakip sa Camarines Sur.
Unang nabawi ng mga awtoridad ang isang kotse na isinanla kay Paming sa halagang P100,000. Pero hindi na ito nabawi ng may-ari matapos ibenta ng suspek sa halagang P400,000.
Isa ring mamahalin na pick-up ang tinangay ng suspek sa una niyang pinagbentahan sa Lopez, Quezon, saka muling ibinenta sa sa Quezon City gamit ang mga orihinal na dokumento sa dalawang transaksiyon.
"Noong ibenta niya ng halagang P1.5 [million], iniwanan niya 'yung OR/CR doon sa katransaksyon niya sa taga-Lopez. Then after a day hiniram 'yung unit, ang ginawa ng suspek naman, nag-execute na affidavit of loss noong OR/CR then requested duplicate ng copy ng OR/CR sa LTO na na-release naman sa kaniya kaya original din 'yung ibinigay niya sa pangalawa niyang pinagbentahan," sabi ni Police Major Jun Villarosa, Philippine National Police - Highway Patrol Group Region 4A.
Isang van naman ang tinangay ng suspek sa kaniyang kaibigan saka ibinigay sa kaniyang ina sa Parañaque City.
Nabawi ng HPG-4A ang naturang van.
Sinisikap pa ng GMA News kunin ang pahayag ng negosyante, na nahaharap sa kasong carnapping.--Jamil Santos/FRJ, GMA News