Isang buwaya na may habang 5.8 talampakan ang nahuli ng mga residente sa Barangay Nalil, Bongao, Tawi-Tawi pasado alas-onse nitong Lunes ng gabi.
Ayon Yadz Wan Tang na siyang kumuha ng larawan, una itong nakita ng mga kabataan dakong alas-diyes ng gabi nitong Lunes.
Nakapasok daw ito sa fishpond kung kaya’t nagpasiya silang hulihin na ito.
Naging pahirapan daw ang paghuli sa buwaya dahil malakas ito.
Nag-post daw sila sa Facebook upang maiparating sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pangyayari.
Nasa pangangalaga na raw ng isang residente ang buwaya habang hinihintay nila ang pagdating ng mga kawani ng DENR.
Hindi raw ito ang unang pagkakataon na nakakita sila ng buwaya sa lugar.
Wala pang dalawang linggo ang nakalipas ay isang malaking buwaya rin ang nahuli sa Simunul, Tawi-Tawi. —KG, GMA News