QUEZON - Hindi madaanan ang Maharlika Highway sa bahagi ng Barangay Lagyo, Gumaca, Quezon nitong Sabado ng umaga matapos madiskaril ang isang tren ng Philippine National Railways (PNR) sa mismong crossing.

Ayon sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Gumaca, patungo sa Bicol ang tren.

Posibleng dahil sa mga pag-ulan at baha nitong nakaraang mga araw kaya lumambot ang lupa at lumubog ang parte ng riles na dinaanan ng tren.

Wala namang naiulat na nasaktan sa pangyayari. 

Pinayuhan ang lahat ng motorista at biyahero na gamitin muna ang Gumaca Diversion Road habang hindi pa naiaalis ang tren sa lugar. 

Pinag-iingat naman ang mga dadaan sa Gumaca Diversion Road dahil hindi pa ito tapos at may lugar din na maputik dahil sa pag-ulan.

Nitong hapon ay naialis na ang nadiskaril na tren at muling passable na ang Maharlika Highway.

 

Naiayos na ang nadiskaril na tren nitong hapon ng Oktubre 17, 2020, at tumuloy na ito papuntang Bicol.  Photo courtesy: Gumaca LGU

 

Noong una ay gumawa pa ng paraan ang pamahalaang lokal ng Gumaca upang makadaan kahit ang maliliit na sasakyan. Gamit ang heavy equipment ay gumawa sila ng daan sa dulong bahagi ng nadiskaril na tren.

Ayon sa Gumaca Municipal Police Station, walang pasahero ang tren.

Ang mga lulan nito ay mga kawani ng PNR na nagsasagawa ng inspeksyon sa riles na nasira ng bagyong Ofel.

Sa ngayon ay nakaalis na ang tren sa lugar at patungo na ito sa Bicol. —KG, GMA News