Patay ang apat sa pitong taong sakay ng ambulansiya ng LGU ng Gubat, Sorsogon matapos itong salpukin ng isang ten-wheel delivery van sa Quirino Highway sa lalawigan ng Quezon nitong Miyerkules ng umaga.
Nangyari ang aksidente dakong 9:30 sa Barangay San Vicente, sa bayan ng Tagkawayan.
Galing sa Gubat, Sorsogon ang ambulansiya at patungo sana sa Bulacan nang salubungin ito ng delivery van na galing sa Maynila at patungo sa Naga City.
Wasak na wasak ang unahan ng ambulance at ang unahan ng delivery van.
Dead on the spot ang driver ng ambulance at ang kasama nito sa unahan. Naipit pa ang mga biktima sa nagkayupi-yuping parte ng ambulance at mga bakal.
Naging mahirap ang isinagawang rescue operation ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Tagkawayan, Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang rescuer dahil sa masamang panahon. Tumagal ang rescue operation ng halos 1 oras.
Kabilang sa mga nasawi ang isang bata na naabutan pa ng GMA News na nire-revive sa Maria L. Eleazar Memorial District Hospital.
Kritikal ang kondisyon ng isang babae na sakay rin ng ambulance habang ginagamot din sa ospital and dalawa pang sugatan.
Nagtamo ng matinding pinsala sa iba’t ibang parte katawan ang mga nasawi.
Lumalabas sa imbestigayon ng Tagkawayan Municipal Police Station na ang delivery van ang may pagkakamali sa pangyayari. Nang agaw raw ito ng linya kung kaya’t nasalpok ang ambulance.
Dipensa ng driver ng delivery van, ang ambulance ang nang-agaw ng linya. Humihingi ng patawad ang driver sa mga pamilya ng mga nasawi.
Iniimbestigahan na ang insidente. —LBG, GMA News