Isang Bryde’s whale ang napadpad sa baybayin ng Barangay Dungon, Banguingui, Sulu nitong Linggo ng umaga. Nakita ito ng mga mangingisda sa lugar.
Agad na ipinagbigay-alam ng mga mangingisda sa pamahalaang lokal ang kanilang nakita kung kaya’t mabilis na nagtungo sa lugar ang mga kinatawan nito.
May habang 39 hanggang 40 talampakan ang Bryde’s whale. Gumagalaw pa raw ito noong unang makita subalit namatay rin kinalaunan habang sinusuri ng mga kinatawan ng local government unit.
Dinala ang Bryde’s whale sa pantalan ng Barangay Dungon. Ipinaalam na rin ng LGU Banguingui sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Sulu ang pangyayari.
Ito raw ang unang pagkakataon na may napadpad na ganitong uri ng hayop sa lugar.
Ang Bryde’s whale ay miyembro ng baleen whale family. Itinuturing din ito na “great whale” tulad ng mga blue whales at humpback whales.
Karaniwang matatagpuan ang mga Bryde’s whale sa karagatan na may mainit na temperatura tulad ng Atlantic, Indian at Pacific.
Itinuturing na vulnerable ang mga Bryde’s whale dahil sa mga banta sa kanilang populasyon tulad ng paghuli at ocean noise.
Ang mga Bryde’s whale ay protektado ng batas sa ilalim ng Marine Mammal Protection Act.
Pinag-aaralan pa ng Banguingui LGU kung paano ililibing ang Bryde’s whale dahil sa sobrang laki at bigat nito. —KG, GMA News