Tumagal nang halos apat na oras na nalubog sa baha ang sentro ng bayan ng San Francisco, Quezon dahil sa magdamag na pagbubos ng malakas na ulan, at anim na pamilya ang napilitang lumikas.

Nagsimulang lumaki ang tubig dakong alas-4 ng madaling-araw, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Photos courtesy of Christopher Postrado, MDRRMO chief
Photos courtesy of Christopher Postrado, MDRRMO chief

Pagliwanag ay bumungad umano sa mga taga-San Francisco ang abot-dibdib na baha sa ilang lugar. Sa ibang lugar naman ay hanggang tuhod o bewang ang tubig.

May ilang bahay din ang nawasak, at nasira rin ang isang linya ng national highway matapos itong gumuho dahil sa pagulan.

Anim na pamilya ang napilitang lumikas.

Patuloy pa ring nakararanas ng malakas na ulan ang bayan ng San Francisco. 


Ayon sa pinuno ng MDRRMO San Francisco na si Christopher Postrado, hindi ito ang unang pagkakataon na binaha ang kanilang bayan.

Mababa raw kasi ang lugar ng town proper kung kaya’t nagsisilbi itong catch basin ng tubig mula sa bundok. Nagsalubong din daw ang baha at high tide.

Pero nagulat pa rin sila sa biglaang pagbaha kanina. Patuloy daw ang ginagawa nilang 24 oras na monitoring dahil sa patuloy na pag-ulan.

Walang supply ng kuryente ngayon sa bayan ng San Francisco. Wala ring supply ng tubig matapos masira ng baha ang pangunahing linya ng tubig.

Wala pang ulat kung magkano ang halaga at lawak ng pinsala.


Binaha rin ang ilang lugar sa bayan ng Buenavista, Quezon. Umabot rin hanggang bewang ang pinakamalalim na baha.

Ang mga pag-ulan na nararanasan ngayon sa Quezon province ay epekto ng mga low-pressure area (LPA) na binabantayan ng PAGASA at ang  hanging Habagat. —LBG, GMA News