Napilitang magbenta sa tabing kalsada ang isang lola sa Lanao del Norte upang makakain, kahit ipinagbabawal ang paglabas ng mga matatanda.
Pahayag ni Aling Zenaida Paglinawan, 65, taga-Purok 2, Barangay Kawit ng banyan ng Kauswagan, hindi makatutulong sa kanilang mag-asawa ang mga anak nila dahil nawalan din ng mga trabaho ang mga ito.
Sabi niya, nakiusap siya sa mga awtoridad na payagan siyang magbenta ng marang sa tabing-kalsada malapit sa kanilang bahay.
Ipinagbabawal ang paglabas-labas ng mga matatanda dahil madali na sila umanong kapitan ng mga sakit, lalo na ang COVID-19.
Pero, giit ni lola Zenaida, sawa na sila sa kakakain ng kamote. Noong wala pa ang pandemya, nagtitinda siya ng isda at ibang mga lamang-dagat na ibenebyahe pa niya sa Iligan City Market.
Wika niya, mula noong Marso hindi na siya pinapayagang sumakay ng kahit anong uri ng pampublikong sasakyan. Kaya nawalan siya ng hamapbuhay.
Nakakayanan pa umano nilang makakain noong unang pagpasok ng pandemya dahil sa ayuda mula sa lokal na pamahalaan. Pero nang tumagal na, wala nang ayuda at hirap na sila sa panay kamote at lugaw ang kinakain.
Mabuti na lamang umano at namumunga na ang kanilang puno ng marang.
Mahigpit umano siyang pinagsabihan ng mga pulis na mag-ingat at huwag masyadong lumapit sa kustomer, lalo na yung mga nagbibiyahe ng malayo, upang hindi mahawaan ng COVID-19.
Sa ngayon, mayroong 40 confirmed cases ng COVID-19 sa bayan ng Kauswagan, 35 ang naka-recover, lima ang active, at isa ang namatay.
May apat naman na persons under monitoring, 311 ang PUM na nakakompleto na ng 14-day quarantine. —LBG, GMA News