SAN FRANCISCO, Quezon - Umabot hanggang bewang ang baha sa ilang lugar sa munisipalidad ng San Francisco, Quezon nitong Linggo ng umaga dahil sa lakas ng buhos ng ulan.
Hanggang tuhod naman ang baha sa ibang lugar.
Ang town proper mismo ay tinamaan din ng pagbaha.
May ilang bahay din na nasira dahil sa pagragasa ng tubig.
Hindi ngayon madaanan ng anumang uri ng sasakyan ang ilang kalye na lubog pa rin sa baha.
Ayon sa pamahalaang lokal ng San Francisco, wala namang napaulat na nasawi o nasaktan sa pagbaha.
Wala pa ring inililikas sa mga oras na ito.
Humina na raw ang ulan ngayon pero patuloy ang ginagawang monitoring ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ayon sa PAGASA nitong Linggo ng umaga, may dalawang low pressure area at hanging Habagat na magdudulot ng pag-ulan sa Luzon, Visayas, at pati na sa ilang lugar sa Mindanao. —KG, GMA News