BALETE, Aklan - Isinailalim ang buong bayan ng Balete, Aklan sa lockdown dahil sa banta ng pagdami ng kaso ng COVID-19.
Base sa ipinalabas na executive order (EO) ni Balete Mayor Dexter Calizo, naka-lockdown ang buong bayan ng Balete simula Oktubre 9 hanggang Oktubre 20.
Base sa tala ng Balete Municipal Health Office nitong Oktubre 10, umabot na sa pito ang nahawaan ng COVID-19 dito. Apat sa mga ito ay naka-recover na.
Ang natitirang tatlong kaso ay naka-home quarantine at pawang manggagawa sa Balete Public Market.
Dahil din sa insidente, nakasara ang public market hangang Oktubre 20.
Nakasaad din sa EO na pansamantala munang ipinagbabawal ang pagdi-distribute ng mga modules sa modular learning ng mga estudyante sa buong bayan ng Balete.
Nitong Biyernes ay umabot na sa 334,770 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ang mga gumaling ay 275,307 habang 6,152 na ang namatay. —KG, GMA News