Naaresto ng mga awtoridad ang walong tao, kasama na ang may-ari ng isang tunawan ng ginto sa Guiguinto, Bulacan.
Iniulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes na bitbit umano ang isang search warrant, sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division ang planta na wala umanong permit sa paggamit ng mga nakalalasong kemikal gaya nang mercury, cyanide, at nitric acid.
Pabaya rin umano ang planta sa pagtapon ng mga nakalalsong liquid waste material nito, na dumadaloy papunta sa kalapit na ilog sa lugar.
Hindi nagpaunlak ng panayam ang may-ari ng planta.
Mahaharap sa kaukulang kaso kaugnay sa environmental laws ang mga suspek. —LBG, GMA News