Isang linggo nang pinaghahanap ng mga kaanak ang isang mag-ina sa Balayan, Batangas na maghahatid lang sana ng pa-order na "footlong" sa isang sasakyan pero sapilitan silang isinakay.
Sa ulat ni Izzy Lee sa "Stand For Truth" nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na si Teresa Lopez, 42-anyos, at 17-anyos niyang anak na si Heinnezie Yoshinaga.
Ayon kay Ateng Reyes, ina ni Teresa, nagluluto at nagtitinda ng miryenda ang mag-ina. Nang araw na dukutin ang mga biktima, maghahatid daw ito ng footlong dahil may tumawag at nag-order.
Sa kuha ng CCTV sa Barangay Ermita noong Setyembre 30, nakita ang mag-ina na may dalang puting plastic bag na lumapit sa isang nakatigil na itim na Adventure, at nasa likod nito ang isang puting van.
Pero pagpunta ng mag-ina sa gilid ng Adventure, may lalaking biglang lumabas sa kabilang bahagi ng sasakyan at nagtungo sa kinaroroonan ng mag-ina. Isang lalaki rin na nasa puting van ang nakitang sumilip sa loob ng Adventure.
Maya-maya lang, umalis na ang Adventure, sumunod na rin ang van, at wala na ang mag-ina.
Hindi malaman ng mga kaanak ng mag-ina kung sino ang kumuha sa mga biktima at ano ang motibo.
Ang asawa ni Heinnezie na si Joshua de Duzman, labis na nag-aalala lalo pa't may dalawa silang musmos na anak na naghahanap sa kanilang ina.
Natukoy naman ang plate number na nakakabit sa Adventure na "TQB-425," pero natuklasan na nakarehistro ito sa puting hi-ace van sa Teresa, Rizal.
Dahil dito, lalong lumakas ang hinala ng mga kaanak ng mag-ina na kasabwat ng Adventure ang puting van na nakitang nakatigil sa likod nito.
Patuloy naman umano ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.
Ang mga kaanak ng mag-ina, nakikiusap sa mga kumuha sa kanila na ligtas na silang ibalik sa kanilang pamilya.--FRJ, GMA News