Dahil hindi raw nagbabayad ng upa sa bahay, isang pamilya ang tinanggalan ng bubungan ng kanilang kasera sa General Mariano Alvarez, Cavite. Paliwanag ng may-ari ng bahay, mula pa noong Pebrero hindi nagbabayad ang pamilya.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita na sinasalok na lang ng mga anak ni Frederic Faller ang tubig ulan sa kanilang bahay matapos silang tanggalan ng bubong.
Bukod dito, ikinandado rin ang kanilang gripo.
Sinabi ni Faller na hindi na siya nagkaroon ng maayos na kita bilang isang taxi driver sa airport mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Pinakiusapan daw niya ang may-ari ng bahay na bigyan pa sana sila ng palugid para makabayad ng renta.
"Sabi nga po hindi na siya makakapaghintay, hindi na raw nila ako kayang pagbigyan sa mga pakiusap ko dahil may mga problema rin daw silang hinaharap," ani Faller.
Hindi rin nakakalipat pa ang pamilya ni Faller dahil wala rin silang pambayad, at umaasa lang sila sa pagbebenta ng sako.
Ayon naman sa may-ari ng bahay na si Cheryl Bolaños, sa isang online post, mula Pebrero hanggang Oktubre o walong buwan nang walang bayad sa upa si Faller, at umabot na ang kuryente sa P13,000.
Dagdag pa ni Bolaños, wala ring ibinayad si Faller sa utilies kahit kapwa nakatanggap sila ng asawa ng ayuda mula sa gobyerno.
Pinabulaanan ni Bolaños na ginipit niya si Faller, at inunawa pa nga raw nila ito kahit na tinamaan ang pamilya nila ng COVID-19.
Naging malaki raw ang bayarin ng pamilya Bolaños at sa cremation, bagay na hindi raw nauunawaan ni Faller.
Kaya naman ipinatanggal niya ang bubong ng bahay dahil alam daw niya na walang balak umalis si Faller at hihintayin na lang ng taxi driver na maputulan ng kuryente.
Inilahad naman ng kapitan ng barangay hindi na nagbabayad ng utang si Faller kahit hindi pa nagsisimula ang pandemya.
Inalukan din daw ng barangay ng relokasyon ang taxi driver, pero tumanggi ito.
"Hindi po siya tumutupad, talagang nagmatigas po siya kasi nga may anak siya du'n, ganu'n. Pero may lilipatan po siya sa barangay eh, kongkreto, bagong building. May kuryente, may tubig, sabi ko, 'libre ka na,' ayaw po niya sir. Nagmamatigas siya," ani Kapitan Garry Gozar ng Barangay Gregoria de Jesus, GMA, Cavite.
Pero ayon kay Faller, nagkasakit siya at ang kaniyang anak noong panahong pinalilipat sila ng barangay.
Sa kasalukuyan, muling pinagbigyan sina Faller at ang kaniyang pamilya matapos mangako ang kaniyang biyenan na babayaran ang kaniyang utang.
Sinabi naman ni Bolaños na kahit hindi na raw magbayad si Faller at umalis na lang ito sa bahay.
Nakatakdang muling magpirmahan ang dalawang panig para sa panibagong kasunduan.
Wala na ang moratorium sa pagbabayad ng renta ngayon, pero sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na patuloy na nakikiusap si Presidente Duterte na huwag magpalayas ng mga umuupang hindi nakababayad ng renta.
Gayunman, walang magagawa ang Pangulo kung ipinag-utos na ng korte.
Ayon naman sa Department of Trade and Industry, may 30 araw na grace period sa pagbabayad ng renta, na magsisimula sa huling due date o kapag inalis na ang isang lugar sa ECQ, MECQ at GCQ.
Nasa ilalim ng MGCQ ang Cavite mula Setyembre 1.--Jamil Santos/FRJ, GMA News