Wala nang buhay nang matagpuan ang isang batang babae na apat na taong gulang sa isang ilog sa Mabitac, Laguna. Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, aksidenteng nalunod ang biktima pero duda rito ang kaniyang mga magulang dahil walang saplot pang-ibaba ang kanilang anak.
Ayon kay Annabele Perez, ina ng biktima, imposible raw na makarating sa ilog ang kanilang anak upang dumumi dahil sa masukal at maputik ang daan papunta sa ilog.
Ipinagtataka rin ng ginang kung bakit walang saplot pang ibaba ang kaniyang anak at may nakalabas umanong bituka sa puwerta ng bata.
Mayroon din umanong nakita ang mga pulis na kahon na inilatag malapit sa ilog kung saan natagpuan ang bata. Mayroon daw bakas ng dugo sa kahon at drug paraphernalia.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na pagkalunod ang naging sanhi ng kamatayan ng bata.
Gayunman, tiniyak nila na magsasagawa pa sila ng mas malalimang imbestigasyon sa nangyari sa bata. --Jun De Roma/FRJ, GMA News