Binatikos ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad ang Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases dahil inuna raw nito ang turismo kaysa bigyang prayoridad ang mga deboto.
Ayon sa ulat ng One Mindanao sa Unang Balita nitong Huwebes, binatikos ni Jumoad ang IATF sa isang sermon sa misa.
"Ang Boracay pinabuksan na ng IATF, tapos kasali ang kabataan at mga matatanda. Nalilito talaga ako sa IATF. Hindi puwede na magsimba ang mga bata, mga kabataan, pero puwede nang pumunta sa Boracay. Iba talaga ang prayoridad ang mayroon itong IATF," anang arsobispo.
Binanggit din ni Jumoad na kahit mga sementeryo, kabilang ang mga pag-aari ng Simbahang Katoliko, ay pinasara ng IATF nang walang ginawang konsultasyon.
Sabi pa ni Jumoad, wala silang magawa kundi sumunod sa utos.
Matatandaang iniutos ng IATF ang pagsasara ng lahat ng sementeryo sa buong bansa mula Oct. 29 hanggang Nov. 4 para maiwasan ang siksikan at pagkalat ng COVID-19 sa panahon ng Undas. —KBK, GMA News