KALIBO - Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga may COVID-19 sa Kalibo, nagpatupad ang lokal na pamahalaan nito ng sunod-sunod na granular lockdown.
Sa pamamagitan ng executive order, nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng 14 araw na granular lockdown sa anim na purok ng C. Laserna, Mabini Street Interior at iba pa.
Base sa tala ng Municipal Health Office (MHO), umabot na sa 33 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Kalibo. Karamihan sa mga kaso ay mga health worker.
Ayon pa sa MHO, lima nang residente ang namatay sa nasabing sakit.
Umaasa naman ang lokal na pamahalaan ng Kalibo na makokontrol na ang pagdami ng COVID-19 sa lalawigan matapos ang dalawang linggong lockdown.
Maliban sa mahigpit na pagbabantay ng awtoridad, nakabantay din ang mga CCTV ng Barangay Poblacion, Kalibo sa mga apektadong lugar.
Nagsimula ang lockdown nitong Linggo, Setyembre 20, ng alas-otso ng gabi at magtatapos ito sa Oktubre.
Nito namang nakaraang linggo, isinailalim sa indefinite granular lockdown ang dalawang sitio sa Barangay Bakhaw Norte sa Kalibo. —KG, GMA News