Inaresto ng mga elemento ng National Bureau of Investigation-Quezon province ang tatlong Chinese mula Maynila, matapos magtangkang kumuha ng Philippine Passport sa Department of Foreign Affairs Office sa Lucena City gamit ang mga pekeng dokumento at tinangka pang manuhol ng P800,000 piso sa DFA.
Ayon sa DFA Lucena, lumapit ang isa sa tatlong Chinese na kinilalang si Chaoyu Su sa isa nilang security officer.
Nagpatulong umano ito na magkaroon ng contact o kaibigan sa loob ng kagawaran upang makapag pagawa ng passport. Nag-alok raw ito ng 400,000 piso sa bawat passport na magagawa. Mga Chinese raw ang kliyente. Sinabi raw ni Su na magdadala ito ng 10 Chinese na pagagawan ng Philippine passport.
Sa halip na ilihim ay agad daw na ipinagbigay alam ng security officer sa pamunuan ng DFA Lucena ang pangyayari.
Agad na nakipag coordinate ang DFA Lucena sa DFA Central Office sa kanilang Intelligence Unit. Doon na nagsimulang pag-aralan ng DFA ang pangyayari kung kaya’t nakipag ugnayan sila sa NBI-Quezon para sa entrapment operation.
Nitong Biyernes ng umaga, nagtungo sa DFA Lucena si Chaoyu Su kasama ang dalawa pang Chinese na ikukuha sana ng Philippine passport.
Naunang umakyat sa tanggapan ang mag-asawang Chinese habang iniabot naman ni Chaoyu Su ang 800,000 piso sa security officer sa parking lot ng DFA.
Nang maiabot ni Su ang pera sa security officer ay doon na siya dinampot ng mga ahente ng NBI.
Hindi narin natapos ng mag-asawang Chinese ang pagpo-proseso ng kanilang passport at dinampot narin sila ng NBI.
Kinilala ang mag-asawang Chinese na sina Jiewu Pan at Cuiyi Lian.
Ayon kay NBI Quezon Provincial Director Dominador Villanueva, akala raw ng mga Chinese na ito ay kaya nilang bayaran ang mga taga-DFA Lucena.
Hindi raw alam ng mga ito na tapat sa kanilang trabaho ang mga taga DFA. Lumalabas raw sa kanilang imbestigayon na mga POGO worker ang mga nahuling Chinese. Nais raw kumuha ng Philippine passport ng mga ito upang mapalitan ang kanilang pangalan at magmukha silang Pilipino sa paningin ng mga tao. Nais raw ng mga ito na ma-enjoy ang mga pribilehiyo ng pagiging Pinoy sa maling paraan.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Passport Law at Falsification of Public Documents ang mga naarestong Chinese. Kakasuhan rin nila ang mga ito ng Bribery matapos tangkaing areglohin ang NBI at mag-alok ng suhol.
Nasa kustodiya ngayon ng NBI Quezon ang tatlong Chinese na naaresto. —LBG, GMA News