KALIBO, Aklan - Isinailalim sa indefinite granular lockdown ang dalawang sitio sa Barangay Bakhaw Norte sa Kalibo matapos magtala ang mga ito ng tig-isang bagong kaso ng COVID 19.
Base sa executive order na ipinalabas ni Kalibo Mayor Emerson Lachica, nagsimula ang granular lockdown sa Sitio Libuton at Sitio Ilaya II noong Biyernes ng alas-sais ng hapon.
Hindi naman nakasaad sa EO kung hangang kailan ito magtatapos.
Ayon kay Lachica, pawang medical frontliners ang nag-positibo sa COVID-19.
Base sa kanilang tala, umabot sa 50 katao ang isinailalim sa contact tracing.
Kasalukuyang nasa quarantine facility at asymptomatic ang dalawang residenteng may COVID-19.
Mahigpit naman ang ginagawang pagbabantay ng Kalibo Police sa nasabing dalawang sitio.
Base sa tala ng Provincial Health Office, nitong Setyembre 9 ay umabot na sa 46 ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Aklan.
Ang mga aktibong kaso ay 11. Isa naman ang kumpirmadong namatay na.
May dalawa pang namatay sa Kalibo na hindi pa dumarating ang resulta ng kanilang swab test. —KG, GMA News